I'm your demon and you're my beautiful angel..." Nang namatay ang step-father ni Lara ay napilitan siyang umalis sa bahay nito. Wala siyang ibang mapuntahan. Hanggang sa napadpad siya sa terminal ng bus at doon nakita niya ang kanyang dating yaya. Isinama siya nito sa probinsiya, nagkaroon siya ng bagong pamilya at bagong mga kaibigan. Nakilala niya si Jan Benedict Rosales, ang lalakeng mamahalin niya at siya rin na sisira ng buhay niya... Pinagsamantalahan siya nito. Natabunan nang galit ang pagmamahal niya para dito. Hindi niya matanggap na nagawa nito sa kanya iyon. Hanggang sa nabuntis siya. Ang araw na nalaman niya na buntis siya ay ang araw din na nawala sa kanya ang sanggol sa sinapupunan niya. Sobrang sakit para sa kanya ang nangyari. Halos kasabay noon, nakilala niya ang kanyang kapatid at nalaman niya ang mga nangyari sa mga magulang niya noon. Umalis siya sa bahay nila Ben at sumama sa kapatid niya. Iniwasan niya din ito. Kapag nakikita niya ito ay naaalala niya ang masakit na nangyari sa kanya. Hanggang sa isang araw ay tinapos na niya ang relasyon nila ni Ben. Hindi niya alam kung bakit masakit sa kanya ang makipag-hiwalay at makita itong masaya kasama ang ibang babae. Doon lang niya naramdaman na mahal pa din niya ito. Magagawa ba niyang kalimutan ang lahat at subukan na bumalik ito sa kanya, ngayong para na siyang hangin dito na hindi nakikita...
"Ibinenta ko na itong bahay." Nagulat ako sa sinabi ni Tita Lydia habang nagpupunas ng sahig. Ipinatong niya sa mesa ang isang puting sobre. "Twenty thousand 'yan, sapat na siguro 'yan para sayo. Susunod na kami ni Cynthia kay Oliver sa Amerika, alam mo na 'yon, 'di ba?" Nakahalukipkip siyang sumandal sa inuupuan niyang sofa.
Akala ko next year pa iyon.
Naupo ako sa sofa na nasa harapan niya. "Opo Tita, pero biglaan naman po. Bakit niyo po ibinenta itong bahay ni Papa Jerry? Ito na lang po ang natitirang alaala ni Pa-"
"Lara, alam mo naman na malaki ang utang ni Jerry noong nabubuhay pa siya. Nalugi ang restaurant niya. Para makabangon iyon, nangutang siya sa mga kaibigan niya at para mabayaran 'yong mga utang niya sa mga kaibigan niya, kailangang ibenta ang mga naiwang ari-arian niya. Itong bahay na lang ang natitira. Iyong restaurant ay ibinenta ko na noon dahil sa kailangan niya ng pera dahil sa pagkakasakit niya. Puro problema ang iniwan ni Jerry sa akin." Naiiritang sabi ni Tita Lydia. Tinaasan pa niya ako ng kilay.
Humigpit ang hawak ko sa basahan.
Pero paano po ako? Hindi ko iyon masabi sa kanya.
Alam kong wala akong karapatan sa anumang naiwang pag-aari ni Papa dahil hindi niya ako tunay na anak. Anak ako ng dati niyang nobya.
Ang natatandaan ko, bago nakilala ni Papa Jerry ang tunay kong ina ay nakatira kami ng nanay ko sa isang apartment sa Makati. Wala siyang trabaho, pinupuntahan lang kami ng dati niyang boyfriend sa apartment.
Nagulat na lang ako isang araw pagkauwi ko galing sa school, kasama na ng nanay ko si Papa Jerry sa aming apartment. Hindi na kami pinupuntahan ng dati niyang boyfriend.
Isinama kami ni Papa Jerry sa bahay niya at doon na kami tumira. Kung saan ako iniwan ng nanay ko at hindi na niya kami binalikan pa. May tsismis na sumama ito sa ibang lalake.
Naging mabuting ama sa akin si Papa Jerry. Itinuring niya akong tunay niyang anak.
Nakilala naman ni Papa Jerry si Tita Lydia noong ten years old ako. May dalawa siyang anak. Si Oliver na nasa ama na niya ngayon sa Amerika, umalis siya last month para doon na mag-aral. Matanda siya sa akin ng dalawang taon, kahit na may pagkasuplado siya noon sa akin ay mabait naman siya.
At si Cynthia, na wala ng ginawa kundi ang awayin ako. Si Tita Lydia naman naging masungit lalo sa akin nang namatay si Papa sa sakit na colon cancer. Parang katulong na ang turing niya sa akin.
Pinaalis na ni Tita Lydia ang mga katulong dito sa bahay noong isang araw. Pati na si Yaya Gloria na nag-alaga sa akin simula ng iwanan ako ng tunay kong ina. Hindi man lang ako nakapagpaalam ng maayos sa kanya.
"Sa isang linggo na ang alis namin. Siguro naman ay kaya mo na ang sarili mo, maghanap ka na agad ng bahay na malilipatan mo. May pera ka na, marami kang makikitang paupahan diyan sa tabi-tabi. Gusto sana kitang iwanan sa kapatid ng Papa mo, kaso ayaw sumagot sa tawag ko. Wala na akong ibang kilala na mapag-iiwanan sayo dito. 'Di kita pwedeng isama sa Amerika, makikitira lang din ako sa Tatay nila Oliver." Tumayo na siya at umakyat sa hagdan.
Sa kanya ako ibinilin ni Papa bago siya namatay, pero wala naman siyang pakialam sa akin.
"Nga pala, darating na bukas 'yong nakabili nitong bahay. Kaya ayusin mo na ang mga gamit mo. Aalis na din kami ni Cynthia dito. Maghohotel na lang muna kami habang iniintay ang araw ng pag-alis namin." Dagdag pa ni Tita Lydia at iniwan niya akong tulala sa sala.
Paano na nito ako ngayon?
Wala akong kilalang ibang kamag-anak.
Pinunasan ko ang aking mga luha na hindi na matigil sa pagpatak.
"Oh? Anong iniiyak-iyak mo d'yan?" Si Cynthia. Sa sobrang pag-iisip ko ay hindi ko na naramdamang dumating na pala. "Ay, oo nga pala, maiiwan kang mag-isa. Sorry ka na lang, 'di ka kasi pwedeng sumama sa amin." May halo pang pang-iinggit na sabi niya sa akin.
Hindi ko na lamang siya pinansin. Ipinatong ko ang basahan sa mesa at kinuha ang sobreng may laman na pera. Tumakbo ako paakyat sa hagdan at nagpunta sa aking kwarto.
Pagkapasok ko sa kwarto ay nag-isip ako agad kung ano ang dapat kong gawin. Kung saan ako pupunta.
Sa ilang minuto kong pag-iisip napagpasyahan kong umalis na. Pinipilit kong tanggapin ang mga nangyayari ngayon sa akin. Ang masasayang araw ko dito sa bahay, noong nabubuhay pa si Papa.
Simula nang lumipat kami dito sa bahay. Eight years old ako noon. Hanggang sa nakapag- asawa ulit siya. Nagkaroon ng bagong pamilya. Nagkasakit hanggang sa namatay siya.
At ngayon aalis na ako dito, dala ang isang bag na naglalaman ng aking mga damit at mga mahahalagang dokumento. Isang maliit na sling bag. Umalis din ako ng umagang iyon. Aalis din naman ako dito. Kailangan ko nang maghanap ng matutuluyan ngayon pa lang.
Hindi na ako nagpaalam kay Tita Lydia. Dire-diretso akong lumabas ng bahay. Habang naglalakad ako palabas ng subdivision ay tumawag agad ako sa bestfriend ko, si Cassie. Ilang araw na siyang hindi nagtetext at sumasagot sa mga tawag ko. Hanggang ngayon hindi ko pa din siya macontact.
Pinuntahan ko ang bahay ng isa sa mga kaibigan ko, si Vangie.
"Lara, sorry. 'Di kita mapapatuloy, wala ang parents ko dito, eh. Baka mapagalitan ako kapag pinatuloy kita." Hindi man lang siya lumabas at sumilip lang sa gate.
"Ah, ganon ba. Sige. Thank you na lang." Napabuntong- hininga na lang ako nang isinarado ni Vangie ang gate.
Sunod kong pinuntahan si Laiza, isa din sa kaibigan ko. Hindi din ako pinatuloy sa kanila. Aalis daw sila ng pamilya niya.
Si Cassie, siya na lang ang natitira kong pag-asa.
"Wala si Cassie kasama ng parents niya sa Cebu." Sabi ng katulong nila Cassie ng nagpunta ako sa bahay nila.
"Kailan po kaya ang balik nila?"
"Hindi ko sigurado kung kailan, eh. Walang nabanggit si mam, kung kailan sila makakauwi."
"Ganon po ba? Sige po, salamat." Naglakad ako paalis.
Tiniis ko ang gutom at init ng araw.
Naghanap ako ng pwedeng matutuluyan. Kung saan-saan ako nakarating. Magdidilim na pero wala pa din akong mahanap na pwedeng matuluyan. Walang bakante kahit bed spacer man lang. May apartment nga ang mahal naman ng upa. Kailangan kong tipirin ang perang hawak ko.
Tumigil ako sa tapat ng terminal ng bus. Kung sasakay ako, saan naman ako pupunta?
Napatigil ako sa pag-iisip ng may bumunggo sa akin na lalake.
"Ano ba!?" Sigaw niya sa akin. "Di tumitingin sa daan." Galit na sabi pa niya at nagmamadaling umalis.
"Siya pa ang galit, siya nga itong bumanggo sa akin." Bulong ko. Sinundan ko nang tingin ang lalake hanggang sa mawala siya sa paningin ko.
Wala sa sariling napahawak ako sa bulsa ng suot kong pantalon. Wala na ang cellphone ko! Nadukutan ako!
Nagpalinga-linga ako at hinanap ang lalakeng bumunggo sa akin kanina. Siya siguro ang dumukot ng cellphone ko. Pero sa dami ng tao dito sa terminal malabong mahanap ko pa siya.