/0/26357/coverorgin.jpg?v=3cad6de4feecaf37e8648c2ce355c966&imageMogr2/format/webp)
Pumailanlang sa kalawakan ng Victorian style mansion ang musika ni Rachmaninoff mula sa ponograpo. Matapos kumain ng hapunan ay nakagawian na ni Callea na makinig ng klasikong musika habang nagbabasa. Umingit naman ang pusa niyang si Luna na masaya nang matulog sa kandungan niya.
Parang inaawitan ng musika ang itim na gabi at ang bilog na buwan maging ang mga elementong gumagala at nabubuhay lang tuwing gabi.
“Señorita, ang tsaa po ninyo,” anang si Marina, ang kubang katuwang niya sa mansion at nag-iisang taong kasama niya bukod kay Luna na para sa kanya ay pinakamagandang pusa sa buong mundo.
“Salamat, Marina.” Ngumiyaw si Luna na nagpapasalamat din dito. Saka muli nitong ihinilig ang ulo sa kandungan niya.
Perpekto na ang gabing iyon sa kanya na pinaganda pa ng kabilugan ng buwan. Mamaya ay yayayain niya si Marina na panoorin ang buwan. Ang kabilugan ng buwan ang pinakamagandang pagkakataon para sa kanila.
Naputol ang katahimikan nang tumunog ang lumang telepono. Dinampot niya iyon at sinagot. “Callea!” tawag agad sa kanya ng lolo niyang si Don Tomasino Lopez. “May maganda akong balita. Sa wakas ay makukuha mo na ang gusto mo.”
Kumislap ang maganda niyang mga mata. “Talaga po, Lolo? Ibibigay na ninyo sa akin ang Villa Celesta?”
Matagal na niyang pangarap na makuha ang Villa Celesta. Doon siya ipinanganak. Marami siyang magagandang alaala doon kasama ang mga magulang at kapatid niya. Iyon lang ang pinanghahawakan niya ng kaligayahan.
Subalit ang gusto ng Lolo niya ay mapunta lamang ang Villa Celesta sa panganay nitong apo na lalaki. Hindi sa isang babaeng tulad niya. Kaya isang magandang balita na malamang papaboran siya ng kanyang lolo.
“Sa isang kondisyon.”
Natigil ang pagsasaya niya. Kahit ang puso niya ay nabitin sa hangin nang marinig niya ang banta sa boses nito. “Ano po?”
“Kailangan mong pakasalan ang apo ng pinakamatalik kong kaibigan.”
Parang nauupos siyang kandila at sumandal sa malaking lumang queen’s chair. Kasal. Iyon ang isang bagay na pinakaiiwasan niya. Ang maikasal.
“S-Sino pong anak ng kaibigan ninyo?” tanong niya dahil napigil ang pagdaloy ng dugo sa utak niya. Umuugong ang tainga niya.
“Si Deive. Guwapo ang batang iyon, nakapag-aral sa ibang bansa at magaling sa negosyo. Tiyak na malaki ang maitutulong niya sa negosyo ng ating familia.”
“Opo, Lolo,” matamlay niyang sagot.
Si Deive Hontiveroz. Kilala niya ito. Wala itong nagustuhan kundi naggagandahang mga babae. Sa pagbiyahe nito sa iba’t ibang bansa sa mundo, di ito nawawalan ng babaeng naaakit. At ito ang uri ng lalaki na nanghuhusga lamang sa babae sa panlabas na kagandahan nito.
Naramdaman ni Luna ang pagkabalisa nito at ikiniskis ang leeg sa braso niya. Subalit naestatwa pa rin siya habang nakikinig. Kaya ba niyang pakasalan ang uri ng lalaki di katanggap-tanggap sa mundo niya?
“Gusto kong tanggapin mo siya nang maayos. Tiyakin mo na magugustuhan ka niya. Paparating na siya diyan bukas ng gabi.”
Bukas ng gabi? Napakabilis naman. Subalit isang “Opo, Lolo” lamang ang naisagot niya. Di iyon ang oras para tumutol.
“Paano po kung di niya ako magustuhan, Lolo?” tanong niya.
“Napakaganda mo, hija. Tiyak na mamahalin ka agad ni Deive.”
/0/27586/coverorgin.jpg?v=20220622044314&imageMogr2/format/webp)
/0/26505/coverorgin.jpg?v=c897e2a61a1f1f15a9dd40fa6fabf6c1&imageMogr2/format/webp)
/0/26241/coverorgin.jpg?v=f969d8c0a8eaf55e0ecc7b36a5d35b0a&imageMogr2/format/webp)
/0/26260/coverorgin.jpg?v=20220415102744&imageMogr2/format/webp)
/0/77310/coverorgin.jpg?v=7fafeef37f3915c8ffa7a7001a5d7a6e&imageMogr2/format/webp)