Login to MoboReader
icon 0
icon TOP UP
rightIcon
icon Reading History
rightIcon
icon Log out
rightIcon
icon Get the APP
rightIcon
The Scent of Madness

The Scent of Madness

Delicate8

5.0
Comment(s)
308
View
40
Chapters

Isang maaliwalas na umaga, nakasakay si Mark patungo sa bagong kumpanyang kanyang aaplayan. Walang kamuwang-muwang na sa araw na iyon ay susuungin niya ang isang delubyo na sanhi ng isang uri bulaklak. Habang si Boyet naman sinusubukan muling makapag-umpisa matapos niyang masisante sa call center company dahil sa isang napakaliit na pagkakamali. At ang kapatid ni Mark na si AC, buwisit at hindi kasundo ang kuya niyang si Mark. Paano ba naman kasi, lagi na lang itong galit sa kanya. Silang tatlo ay pagtatagpuin ng isang pangyayari na hahamon sa kanilang mga bagay na pinaniniwalaan.

Chapter 1 PROLOGUE

2018.

Liblib na Barangay Hinugutan, sa paanan ng Mt. Apo

Paspasan na ang pananahi na ginagawa ni Letty dahil malapit ng mag alas onse ng umaga. Kailangan niya pang magluto ng tanghalian nilang mag-iina. Pasalamat na nga lang siya at bakasyon sa eskwela at hindi na rin niya kailangang magkumahog pa sa paghatid-sundo sa mga anak niyang si Meena, nasa ikalimang baitang at si Roy na nasa ikatlong baitang. Ang una, pang-umaga ang pasok at ang isa naman ay pang-hapon.

Sakto namang patapos na siya sa pagliligpit ng mga ginamit sa pananahi nang biglang dumating si Esmie, buyer niya galing Maynila.

"Good morning, byutipul." Bungad ni Esmie kay Letty pagkabukas na pagkabukas nito ng pinto.

"Good morning, sexy." Ganting bati naman ni Letty. "Ayan na ba 'yung jeep na hahakot sa mga halaman?

"Oo. Tinawaran ko pa nga yan ng 3k na lang. 4k nga singil sa 'kin n'yan noong una. Dudugasin pa ako samantalang 'yung dati kong nakausap 2k lang." Hininaan ni Esmie ang boses para hindi marinig ng driver ng jeep ang sinsasabi niya.

"Naku at hayaan mo na. Tutal bawing-bawi ka naman sa paninda mo kung sakali. Malakas ang bentahan pala n'yan. Nakita ko sa facebook." Pabirong tinapik ni Letty si Esmie sa balikat.

"Uy, huwag mo muna akong aagawan ng mga suki 'pag nagtinda ka na n'yan sa Maynila. Payamanin mo muna ako." Kinuha ni Esmie ang pitaka at doo'y pumitas siya ng pitong libo at iniabot iyon kay Letty pambayad sa mga kukunin niya.

Kinuha agad iyon ni Letty at saka isinilid ito sa kanyang pitaka na nakatago sa kanyang bra. Pagkatapos, tinawag na ni Esmie ang driver at sabay-sabay na nilang tatlo na tinungo ang likuran ng bahay ni Letty kung saan nakalagak ang isang daang paso ng mga Green Crescent Paradise.

"Ito na ba 'yun? Kagaganda naman pala talaga nila sa personal, ano? At ang bango pati." Manghang-mangha si Esmie sa rikit ng mga bulaklak na nakatanim sa mga kulay pulang plastik na paso habang sinisinghot-singhot ang isinaboy nitong bango sa hangin. Luntian ang mahahaba nitong tangkay kung saan may nakakakabit na malalapad na luntiang mga dahon. Ang bulaklak naman nito ay mayroon ding luntiang mga talulot. Sa pinakasentro ng bulaklak - ang anthers - makikita naman ang isang napakatingkad na kulay dilaw na kahugis ng isang gasuklay na buwan. Kaya isinama sa pangalan nito ang "crescent".

"Mabango talaga mga 'yan. Madali pa alagaan. Buti nga sa 'kin ka na umorder dahil kung sa iba, siguradong tatagain ka." Pagmamayabang ni Letty. At sinenyasan na niya ang driver na tulungan siyang kunin na ang mga halaman isa-isa para maisakay na sa jeep.

Nang matapos ang pagsasalansang ng mga paso, nagpaalam na rin si Esmie.

"Una na kami byutipul at baka kami gabihin. Mahirap na. Madilim pa naman mga kalsada niyo rito."

"O, sige sexy. Ingat kayo. Message mo na lang ako pagkarating mo sa Maynila. Kung may kakilala ka pa na buyer, reto mo na sa 'kin at bigyan kitang porsyento." Masaya ang puso ni Letty dahil may panghanda na siya sa kaarawan ng panganay niya sa linggo.

Naalala niya bigla si Meena.

"Nasa'n na nga ba 'yun?" Nilingon niya ang orasan na nakasabit sa itaas ng pintuan. Menos singko bago mag alas dose. Hindi na siya nakapagluto ng tanghalian dahil nga dumating si Esmie para kunin ang mga inorder nitong mga bulaklak. 'Di bale. Bibili na lang siya ng ulam nila sa karinderya.

Tinawag niya ang bunso na si Roy, pero walang sumasagot. Malamang kasama ng ate niya sa kung saan. Para kasing anino 'yun na laging nakasunod sa ate niyang gala nang gala.

"Malilintikan talaga sa 'kin tong dalawang 'to. Ang taas-taas ng sikat ng araw pero nasa labas pa rin. Makikita nila." Banta ni Letty.

Kinuha niya ang payong at kaagad na sinugod ang bahay ni Rosie na dalawang kanto lang ang layo sa kaniya. Madalas kasi doon na naglalagi ang mga anak niya para makipaglaro sa anak ni Rosie na si Yen-Yen.

"Wala dito ate Let," ika ni Rosie kay Letty nang maabutan niya ito sa bakuran. Nakasuot ito ng duster at nababalutan pa ng makapal na bula ang mga kamay nito at braso. Nasa kalagitnaan kasi ito ng paglalaba.

"Pero nakita ko sila papunta doon sa may gubat." Nakaturo si Rosie sa may dulong hangganan ng barangay Hinugutan. Sa lugar na ipinagbabawal. "Sabi ko nga umuwi na at nasa Batangas si Yen-Yen. Akala ko naman nakabalik na sa inyo."

Umihip ang hangin at sumayaw ang mga sanga't dahon ng mga puno sa gubat. Pinagmamasdan iyon ni Letty na may kahalong kakaibang kaba sa dibdib.

Kagaya ng iba pang mga magulang at matatanda sa kanilang lugar, hindi pinahihintulutan ni Letty ang pagpunta ng mga anak niya sa gubat na iyon. Marami kasing haka-haka na may sa maligno raw ito. Binabantayan daw ito ng mga espiritu at mga engkanto. Ang sinumang nilalang ang magkamaling dumalaw rito, kung hindi man naliligaw o nababaliw, madalas namamamatay sa karumaldumal na paraan. Noong una, ayaw maniwala ni Letty lalo na noong bagong lipat pa lang siya sa barangay nila. Pero noong tumagal at nagsimula na siyang makarinig ng mga kuwento ng mga kakilala at kaibigang personal na nakasaksi at nakaranas ng mga "kababalaghang" iyon, doon na siya nagsimulang maghigpit sa kanyang mga anak at pagbawalan ang mga ito na maglaro doon.

Pero sa loob-loob ni Letty: kung totoong may sumpa ang gubat, bakit wala namang nangyari sa kanyang masama pagkatapos niyang magpunta doon ng ilang beses? Ang totoo nga n'yan, hindi lang naman din siya ang nagpupunta doon kung hindi pati na rin ang mangilan-ngilan sa mga kapitbahay niya para mamulot o mamitas ng mga buto ng green crescent paradise? Itatanim nila ang mga buto nito at saka patutubuin at 'pag namumulaklak na, saka ibebenta sa mga buyer katulad ni Esmie.

Mahabaging langit! Bakit nagpunta doon ang mga bata? Kabilin-bilinan niyang huwag silang maglalagi roon.

"Makukurot ko talaga kayo sa singit!" Gigil na bulong niya sa sarili.

Kahit nakapayong, tagaktak pa rin ang pawis sa noo ni Letty nang marating niya ang papasok na bukana ng gubat. Tahimik ang paligid at kahit ang mga ibon tila pansamantalang tumigil sa paghuni.

Ayaw niya sanang pasukin ang gubat. Sumumpa kasi siya na hinding-hindi niya gagambalain ang mga sinasabi nilang espiritu doon maliban na lang kung kailangan niyang mamulot o mamitas ng mga buto ng green crescent paradise. Pero baka naroon sa loob nito ang mga anak niya.

"Meena! Roy! Lumabas na kayo d'yan at tanghali na. Malilintikan talaga kayo sa akin. 'Di ba sabi ko 'wag kayong pupunta dito. Parini na kayo't wag niyo na akong hintayin na sugurin pa kayo d'yan!" Naglabasan ang mga litid ni Letty sa leeg sa pagsigaw, pero sinagot lang siya ng sariling alingawngaw.

Dumoble ang kaba sa dibdib ni Letty. Parang may mali. Karaniwan kasi marinig lang ng mga anak niya ang kanyang sigaw, nagkakandarapa na ang mga ito sa takot papunta sa kanya. Pero baka rin naman wala sa gubat ang mga anak niya. Baka nasa ilog at nagtatampisaw. O baka rin nasa may palayan sa katabi nilang barangay para maghanap ng mga palakang mapaglalaruan.

Hindi siya sigurado pero parang may kung anong puwersa, may kung anong bulong ang humihila sa kanya papunta sa lugar na ipinagbabawal.

Kaya huminga siya nang malalim at pinasok ang gubat.

-+-+-+-+

Limang buwan na ang nakalilipas nang huli niyang mapuntahan ang gubat. Pero sa iksi ng panahong iyon, pansin niyang nagtaasan na uli ang mga talahib sa gilid ng makipot at maputik na daang tinatahak niya.

Ang paligid, namumutiktik at buhay na buhay magmula sa mga damo, dahon ng mga makakapal na puno at hanggang sa nagkalat na bulaklak ng green crescent paradise na mistulang mga duwendeng nakatayo sa pagitan ng mga halaman.

Ang hangin naman sa kasukalan ng gubat ay naging mapusyaw. Tila may nagsaboy ng kulay dilaw na pulbo rito. Nabahing siya nang dalawang beses nang masinghot niya ito kaya tinakpan niya ng kuwelyo ng kanyang damit ang ilong. Pero kahit may takip, amoy na amoy pa rin ni Letty ang pagkabango-bangong halimuyak ng mga green crescent paradise.

"Meena! Roy! Lintian kayo! Magsilabas kayo d'yan at nang makauwi na. 'Pag di ko natapos kong tinatahi kong order, kayong dalawa ang pagbubuhulin ko." Muli walang sumagot.

Naglakad pa muli si Letty papasok pa sa gubat at sa bawat hakbang, tila dumidilim nang bahagya ang kinaroroonan niya dahil sa kumakapal din ang mga dahon sa puno na humaharang sa sikat ng araw.

May narinig siyang kaluskos sa kanan niya. Napalingon siya sa direksyon na iyon at doon may narinig pa siyang tunog. Parang may umuungol na may kasamang mahinang iyak. Dali-dali niya itong pinuntahan.

"Meena! Roy! Saan kayo? Bakit parang may umiiyak d'yan?"

Tumigil si Letty nang biglang narinig niya ang maliit na boses ng anak niyang si Meena. Siguradong-siguradong boses nga iyon ng panganay niya. Nagpalinga-linga siya sa paligid at nakita niya ito ilang metro ang layo sa kanya. Hindi niya siya napansin noong una dahil ang kanang bahagi ng katawan nito ay natatabingan ng isang malaking puno. Nakayuko sa harap ng puno si Meena na tila na ba may kinakausap siyang paslit. Baka si Roy.

Sinugod ni Letty ang anak.

"Meena, nasa'n na ang kapatid mo? 'Di ba sinabi ko ng..."

Sa pangalawa at huling pagkakataon, muling napatigil si Letty sa kanyang kinatatayuan. Hindi na niya alam kung magkakaroon pa siya muli ng lakas para gumalaw pagkatapos ng nasaksihan niya noong araw na iyon.

Sa harap niya ang anak na si Meena. Ang kanang bahagi ng katawan nito na tinatabingan kanina ng malaking puno, nagmukhang isinawsaw sa pinturang kulay pula. Ang pulang likido, mabagal na gumagapang mula sa kamay ni Meena papunta sa batong hawak nito hanggang sa pumatak ito sa lupa. Dasal ni Letty na sana nga pintura lang iyon, pero hindi. Mula iyon sa mga nagtalsikang dugo ng kapatid niyang si Roy na bumulwak galing sa basag nitong bungo pagkatapos itong paghahampasin ni Meena ng bato sa ulo.

Ang kawawang Roy naman, paupong nakasandal sa paanan ng malaking puno, nakataas ang dalawang braso nito para sana salagin ang bawat hampas na galing sa kanyang kapatid.

"Ayoko sa'yo! Tagilid ka! Bakit ka tabingi! Bakit! Bakit!" Biglang bulyaw ni Meena sa bunsong kapatid. Nanggagalaiti ito sa tindi ng galit. "Dapat sa'yo mamatay! Mamatay ka na!"

"Ate, tama...na.. la..la.. lagot ka kay Mama," mahinang pagsusumamo ni Roy. Bakas ang takot at pagkalito sa boses nito hanggang sa huminga muna ito nang malalim at pagkatapos tumigil na sa pagtibok ang kanyang puso.

Hindi makapaniwala si Letty sa kanyang nasaksihan. Para bang sa isang iglap, huminto ang pag-inog ng mundo at kasabay nu'n, humiwalay din ang kanyang kaluluwa sa katawan.

Taranta at humahagulgol na niyakap ni Letty ang wala ng buhay na bunso. Sinampal-sampal niya ang pisngi nito, nagbabakasakaling bigla itong didilat at yayakapin din siya. Pero wala. Wala na si Roy kaya nanginginig niyang hinarap si Meena.

"Anong ginawa mo? Bakit?" Nagpupuyos siya sa galit. Halos lumuwa na ang kanyang mga mata sa sobrang pagkadilat. Nakaluhod siya sa harap ng taong pumatay sa kanyang anak na sa kasamaang palad ay anak niya rin. Hawak-hawak niya sa magkabilang braso si Meena. Ang mga kuko niya bumabaon sa malamlambot nitong mga laman.

"Sagutin mo ako! Bakit? Anong ginawa sa'yo ng kapatid mo para patayin mo siya?" Niyugyog-yugyog ni Letty ang gating-ting na katawan ni Meena. Halos magkagutay-gutay na ang suot nitong kulay blue na t-shirt.

Blangko.

Nakatitig lang sa kanya ang anak pero parang hindi siya talaga nito nakikita. Maya-maya, nagsalita ito.

"Mama, ayoko rin sa'yo! Tabingi ka rin kagaya ni Roy! Bakit nakatagilid kayo ni Roy! Pareho kayong tabingi!" Iyak ni Meena sabay ipinukpok nito nang ubod lakas ang tangang bato sa sentido ng ina.

Nabiyak ang bungo ni Letty. May tumalsik na namang dugo. Dumapo ito sa mga labi ni Meena. Hindi ito pinunasan ni Meena. Bakit pa kung hindi rin naman niya ito ramdam.

Bago tuluyang magdilim ang paningin ni Letty, napatanong siya ng, "Bakit?"

Bakit nagawa ito ng sarili niyang anak.

Continue Reading

You'll also like

Chapters
Read Now
Download Book