Sworn enemies. Iyan ang taguri nina Zafira at Greco sa isa't isa. Para kay Greco, hindi siya magandang impluwensiya sa kababata nitong si Charishma na matalik naman niyang kaibigan. Hindi daw maganda ang family background niya dahil ang ama niya ay isang sikat na archaeological looter. Kaya nga kahit minsan ay di sumagi sa isip niya na magustuhan ito kahit pa guwapo ito at matalino. Lalaitin lang nito ang pagkatao niya. Kaya nagulat na lang siya nang biglang i-anunsiyo ni Greco sa lahat na girlfriend na siya nito. Hanggang alukin siya nito na maging totoong girlfriend nito. Sasakay ba siya sa kalokohan nito o bibigyan niya ang sarili ng pagkakataon na maranasang maging totoong girlfriend nito?
"Huwag mo po akong iwan, Daddy," pakiusap ni Zafira sa ama. Paalis na naman ito sa kung saang parte ng mundo para sa trabaho nito.
"Lagi naman akong bumabalik, hindi ba?" Hinaplos nito ang buhok niya. "Saka sa Cambodia lang ako pupunta."
"Sasama po ako sa iyo." Lagi na lang siya nitong iniiwan para sa trabaho nito.
"Hindi pwede. Malayo iyon. Ipag-uuwi kita ng magandang Angkorian sculpture. Gusto mo ba uwian kita ng apsara dancer?"
Bahagya siyang tumahan. Gustong-gusto niya kapag may inuuwing mga artifacts at kakaibang bagay mula sa ibang bansa ang tatay niya. Dahil isa itong antique collector ay nahilig din siya sa History gaya nito.
PInahid niya ang luha. "Ano pong apsara dancer?"
"They are fairies who dance."
Lumabi siya. "Magandang babaeng sumasayaw? Sabi ni Mama iniiwan mo daw kami palagi para sa ibang magagandang babae."
Pumalatak ito. "Always remember this, Zafira. Basta magkakasama tayo, kayo lang ang babae sa buhay ko. And you are the most beautiful angel of all. I will come home, sweetie. Wait for me."
Mahigpit niyang hinawakan ang kamay nito subalit tuluyan na itong lumayo sa kanya. Sinubukan niyang habulin ang ama subalit palayo na ito nang palayo. Tawag siya nang tawag pero di siya nito nilingon.
Hanggang maging ga-tuldok na lang ito sa paningin niya. Nahindik siya nang makita ang isang malaking pagsabog. "Daddy!"
"Daddy! Daddy!" sigaw ni Zafira nang imulat ang mata. Halos matulig siya nang maulinigan ang sunud-sunod na pagsabog at tunog ng baril sa gitna ng kadiliman. Tinakpan niya ang tainga. "Huwag! HUwag ninyong sasaktan si Daddy. Hindi pa siya patay! Buhay pa siya!"
Matinding takot ang naramdaman niya. Tinatawag niya ang pangalan ng kanyang ama pero puro putukan at pagsabog lang ang kanyang naririnig.
"Z-Zafira!" tawag sa kanya ng kaibigang si Charishma. Bumaha ng liwanag at ito agad ang nakita niya. HInawakan nito ang balikat niya at niyugyog. "Ano ba ang nangyayari sa iyo?"
"Charishma, si Daddy nakita ko siya. Nagpapaalam siya sa akin na pupunta siyang Cambodia tapos may sumabog pero alam kong buhay pa siya. Buhay pa..."
Natigilan siya sa pagku-kwento nang marinig pa rin ang sunud-sunod na barilan. Isang malaking telebisyon ang nasa harapan niya at palabas ang isang war scene noong French Revolution at bida si Napoleon Bonaparte. Wala ang kanyang ama sa paligid. At hindi na rin siya sampung taong bata. She was seventeen now. At nakapaligid sa kanya ang mga kaklase niya sa fourth year high school ng St. Andrew's Academy. Pawang nakakunot ang noo ng mga ito. Mukhang asar sa kanya dahil nabulabog niya ang panonood ng mga ito.
Isang matangkad na lalaki na makisig sa suot nitong uniform ang nakahalukipkip na lumapit sa kanya. "Mukhang namamali ka yata ng lesson, Zafira. Wala sa Khmer Rouge ang topic natin. Kay Napoleon Bonaparte pa lang tayo."
Heto na naman ang guwapo at makisig pero intrimitidong presidente ng klase nila na si Greco. Tingin pa lang nito ay asar na asar na siya. Kung makaasta kasi ito ay parang isa itong emperador o kaya ay hari samantalang ang kaya lang naman nitong sakupin ay ang buong St. Andrew's. At kung makatingin ito sa kanya ay parang wala siyang karapatang huminga.
"May sumabog kasi. M-Medyo magugulatin kasi ako at mali-mali," palusot niya.
Inilapit nito sa kanya ang mukhang at pinakatitigan siyang mabuti. "Mali-mali o natutulog ka habang film showing? Namumula pa ang mata mo dahil kagigising mo lang. At tulo pa ang laway mo."
"Yuck!" narinig niyang ungol ng mga sosyalera niyang kaklase.
Pasimple niyang pinunasan ng panyo ang gilid ng labi niya. "Hindi, ha! Hindi naman tumutulo laway ko."
"May panis na laway ka. Di mo na pwedeng itago."
Natutop niya ang bibig habang matalim ang tingin kay Greco. Kontra-bida talaga ito sa buhay niya. Unang pagkikita pa lang nila ay mainit na ang dugo nila sa isa't isa. Feeling kasi nito ay ito ang pinakamatalinong tao sa mundo palibhasa'y miyembro ito ang alta sociedad at halos sambahin ng mga kababaihan. Di naman siya impressed dito kahit na anak ito nga ambassador at kilalang pilantropo ang pamilya nito. Pare-pareho lang silang kumakain ng bigas at humihinga ng oxygen.
"Is it true, Zafira? Natutulog ka habang nagre-report si Greco?" tanong ng Social Studies teacher nila na si Miss Calupitan. "Let's go to my office. I demand an explanation about this."
"Ayan! Lagot! Tulog kasi ng tulog," pasaring ni Dinah na siyang leader ng fans club ni Greco sa buong campus. Kulang na nga lang ay itali ng mga ito si Greco sa baywang mga ito.
Other books by Sofia
More