Nagpunta si Yngrid sa Camiguin para mag-relax kasama ang mga kaibigan. Umaasa siya na sa loob ng tatlong araw na bakasyon ay may mababago sa kanyang boring na buhay. Kasama na sa misyon niya ang makatagpo ng isang hot at guwapong lalaki na magbibigay ng kulay sa kanyang monotonous na buhay. Enter Kenji Matsunaga – ang fashion model na crush na crush niya. Ito ang sumagip sa buhay niya matapos siyang malaglag sa pool. Those three days in Camiguin with him was perfect. Hanggang malaman na lang niya na si Kenji pala ang boyfriend ng mortal niyang kaaway na si Margaret Choi. Habang friendzoned lang ang ganda niya. Pero nang makita niyang umiyak si Kenji dahil kay Margaret, alam niyang gagawin niya ang lahat para di na lumuha pa si Kenji. At iyon ay sa piling niya. Ipaglalaban niya si Kenji kahit na nga ba hindi siya ang mahal nito?
"Camiguin, sa wakas narating din kita!"
Nakadipa ang mga kamay ni Yngrid habang sinasalubong ang malamig na simoy ng hangin na nagmumula sa dagat. Wala siyang tulog nang nakaraang gabi dahil mula sa pagbabantay niya sa Sweet Surrender, ang café na pag-aari niya ay tumuloy na siya sa Ninoy Aquino International Airport Terminal 3 para sa flight niya. Siya, kasama ng mga kaibigang sina Dreamilyn at Justine ay wala halos pahinga. Ngayong nakita niya ang ganda ng Camiguin at ng resort na tutuluyan nila ay alam niyang sulit ang bakasyon na ilang taon na rin nilang pinaghahandaan. Pagtapak pa lang nila sa Bahay Bakasyunan sa Camiguin ay alam nilang sulit na ang pananatili doon.
Iyon ang pinakamahal na resort sa buong isla. Doon tumutuloy ang may matataas na katungkulan sa bansa gaya ng Vice President at mga senador, ang mga businessmen at mga kilalang celebrity. Kaya naman doon din sila tumuloy para sa bongga nilang bakasyon.
"Sobrang ganda dito. Masarap matulog," sabi ni Dreamilyn at humikab.
"Tutulugan mo lang ang ganito kagandang lugar?" tanong ni Yngrid.
"E sa wala pa akong tulog."
"Mag-swimming muna tayo sa bongga nilang pool at saka tayo matulog. Mukhang masarap mag-pictorial sa pool nila. Ready na ang two-piece swimsuit ko para diyan. Perfect ang pagka-diosa ko dito." Hindi naman kasi siya marunong lumangoy kaya sa gilid-gilid lang siya ng pool. Sa pictorial siya babawi. She let out a wistful sigh. "Hot boylet na lang ang kulang."
"Pwede mag-relax muna tayo sa kuwarto natin bago ka mag-ambisyon ng lalaki at pictorial. Look at us. Sinagap na natin ang lahat ng alikabok sa biyahe. Gusto ko munang maligo. Baka magkulay-tsokolate ang pool pagtalbog natin," wika ni Justine. "Gutom na rin ako. Gusto ko nang kumain ng pastel."
Maliban sa magarbong resort, they decided to leave the comfort behind. Sa halip na sumakay sa Supercat mula Cagayan de Oro patungong Liloan Port sa Camiguin ay nag-bus sila patungong Balingoan Port. Mula doon ay nag-RORO sila patungong Camiguin. Pagdating ng Liloan port sa Camiguin ay sinundo sila ng jeepney. Dahil after lunch na sila dumating ay mainit ang araw. Maalikabok din ang ibang bahagi ng daan dahil nagtungo pa sila sa Giant Clam at sa kapitolyo na Mambajao para bumili ng pamosong pastry sa isla ng Camiguinna Pastel.
She fell in love with the island right away. Ramdam niya na mababait ang mga tao doon. Mukhang hindi rin masyadong dagsa ang turista di gaya sa ibang sikat na pasyalan sa Pilipinas. And that was what she wanted.
Napasinghap silang magkakaibigan nang pumasok sa suite. It was spacious. Native ang interior na may halong modern. The lamp shades and chairs were made of rattan.
Ibinagsak ni Yngrid ang sarili sa malambot na kama. "Oh! This is life! Ito ang gusto ko. Walang iniisip na responsibilidad."
May-ari siya ng isang cafe sa isang village sa Quezon City - ang Sweet Surrender. Nag-e-enjoy naman siya sa pagpapatakbo ng negosyo pero nakakapagod din ang dalawang taong walang bakasyon dahil di niya maiwan ang café. Nakaka-burnout din ang araw-araw na trabaho. The business was doing good. Magagaling din ang staff niya. Hindi naman siguro malulugi ang café kung tatlong araw siyang mawawala. Kailangan din naman niyang mag-relax sa buhay. Baka sa sobrang focus niya sa negosyo at mukha siyang aligaga ay lagpasan na lang siya ng soulmate niya. Sayang ang alindog niya.
"Hindi mo ba nami-miss ang boyfriend mong si Bruno?" nakangising tanong ni Justine.
Binato niya ito ng unan. "Hindi ko boyfriend ang butiking Pasay na iyon. Over my dead, gorgeous body."
Natatawa na sinalo ni Justine ang unan. "Noong huli kaming mag-usap sabi niya ipapatayo na daw niya ang palasyo ninyo at magiging reyna ka niya. Kahit ilang anak daw handa niyang ibigay sa iyo. At ako daw ang maid of honor."
Sinakal niya ang sarili, itinirik ang mata at inilawit ang dila. Never na mangyayari iyon. Si Bruno ang nightmare sa buhay niya. Anak ito ng may-ari ng commercial building na inuupahan ng café niya. Hindi sa panlalait pero hindi kaguwapuhan si Bruno. Hindi naman itsura nito ang ayawniya. Akala mo kung sino ito. Dahil mayaman ay nuknukan ito ng yabang. Pakiramdam nito ay kasing guwapo nito si Piolo Pascual o kaya ay si Coco Martin. Mas mukha itong si Coco Langot. At wala itong trabaho dahil unico hijo ng filthy rich nitong parents.
Mabait siya kay Bruno noong una. Kailangan din niyang makisama dahil inuupahan niya ang commercial unit nito. Dahil sa kabaitan niya ay inisip ni Bruno na patay na patay siya dito. Lagi itong nakatanghod sa kanya sa café. Kapag may guwapong lalaking gustong manligaw ay sinisindak nito. At parang sinasabi nito sa mga prospective suitors niya na may kasunduan na sila. Hello! Hindi naman libre ang pananatili niya sa commercial unit nito. Nangungupahan siya at nagbabayad nang tama.
Hindi siya magkaka-lovelife kung may malas sa buhay niya. Umaasa siya na sa pamamagitan ng bakasyon na iyon ay makakilala naman siya ng matitino at guwapong lalaki. 'Yung hindi masisindak o maiimpluwensiyahan ni Bruno. Hindi siya aalis ng Camiguin hangga't wala siyang lalaking pwedeng itapat kay Bruno.
"Magsa-shower lang ako," sabi ni Dreamilyn at isinara ang pinto ng banyo. Narinig nila ang lagaslas ng tubig sa loob.
Bigla silang naalarma ni Justine at nagkatinginan. Kinatok agad ni Justine ang pinto. "Dream, okay ka lang ba diyan?"
Nang hindi ito sumagot agad ay kinalampag ni Yngrid ang pinto. "Hoy, Dreamilyn! Lumabas ka diyan. Hindi ka namin idinala ng Camiguin para lang magmukmok at iyakan si Casey. We are here to have fun and enjoy. Kahit man lang tatlong araw ay magpahinga ka at mag-relax."
Other books by Sofia
More