Login to MoboReader
icon 0
icon TOP UP
rightIcon
icon Reading History
rightIcon
icon Log out
rightIcon
icon Get the APP
rightIcon
Ang Santo Sa Likod Ng Pinto

Ang Santo Sa Likod Ng Pinto

Delicate8

5.0
Comment(s)
109
View
10
Chapters

Dala ng matinding kahirapan, inutusan si Minggay ni Mama Linda na nakawin ang korona ng Mahal Na Birhen ng Villapureza upang may pambili sila ng makakain. Subalit, sa kalagitnaan ng tangkang pagnanakaw, nahuli siya ni Father Tonyo na siyang namamahala ng simbahan kung saan nakalagak ang istatwa ng Mahal Na Birhen at ang korona nito. Subalit sa hindi inaasahang pangyayari, sa halip na ipakulong, inalok pa ng pari na tumira si Minggay sa kanila. Pumayag naman si Minggay dahil sawa na siya sa hirap. Pagod na siyang maging palaging gutom. Ngunit ang hindi niya alam, ito pala ay may malagim na kapalit.

Chapter 1 Part 1 - Puno Ng Banaba

1998. Bayan ng Villapureza.

Hawak ni Mama Linda ang notebook na naglalaman ng listahan ng mga pangalan. Katapat ng bawat pangalan ang presyong ibinayad ng mga ito para sa bawat gramo ng shabu na kanilang binili. Marami rito ang tig-isang daan, mayroon din tig-dalawang daan at pinakamataas na ang tatlong daan. Salubong ang kilay ni Mama Linda habang iniisa-isa niyang sumahin sa pamamagitan ng calculator ang kabuuhang kita nila para sa pagbebenta ng bawal na gamot. Umabot lang ito ng 1,900 pesos. Masyadong maliit kumpara sa dating arawang kita nila na umaabot ng siyete hanggang otso mil. Epekto kasi ito ng mas pinalakas na kampanya ng lokal na gobyerno kontra ilegal na droga. Ang karamihan sa regular na parokyano nila Mama Linda ay lumipat muna ng ibang bayan para magpalamig at magtago sa mga pulis.

"Minggay, anak, mag-iisang linggo na yatang ganito ang benta natin. Ano bang nangyayari? Si Estong ba nakatok mo na sa bahay niya? Hinahanapan ako nu'n noong isang araw pa kaso sabi ko ngayong araw pa ang dating ng item." Ang "item" na tinutukoy ni Mama Linda ay ang shabung inaangkat pa nila galing Cavite.

"Oo, Ma. Kaso nung pinuntahan ko siya kanina, wala na raw siyang pambili. Nagastos na raw niya pambili ng gatas ng anak niya." Kalong niya ang kapatid na si Caloy habang sinusubuan ito ng kanin na sinabawan ng nilagang baka na hiningi pa nila sa kapitbahay. At para magkaroon ng dagdag na lasa, binudburan ito ni Minggay ng patis na siya na ring nagsisilbing ulam nito. Apat na taon na si Caloy pero sa payat na pangangatawan at pandak na anyo nito, mukha itong two years old pa lang.

Panay ang bugaw ni Minggay sa mga langaw na tila naghahabulan sa paligid. Galing ang mga iyon sa isang baradong kanal sa tapat ng bahay nila. Samantalang ang buong loob naman nila ay naiilawan lang ng gasera. Naputulan na kasi sila ng kuryente tatlong buwan na ang nakalilipas simula noong naging matumal ang bentahan.

"Eh anak, hindi tayo puwede maging ganito palagi. Tingnan mo mga kapatid mo, ang dami ng bungang araw. Init na init na kasi wala tayong electric fan. Itong si Edgar, tinutubuan na ng pigsa sa binti," sabay turo ni Mama Linda kay Edgar na mas bata kay Minggay ng isang taon. Hindi maayos ang mga paa nito dahil nasalanta ng polio noong musmos pa lang. Malinis na ang nakalapag nitong plato pero naka-rehistro pa rin sa malamlam niyang mga mata ang pagka-gutom.

"Hayaan mo, Ma. Gagawa ako ng paraan. Dedelihensya ako bukas." Sumubo rin si Minggay ng kanin pero hindi marami. Baka maubusan si Caloy.

"Huwag mong sabihing dudukot ka na naman sa palengke. Tandaan mong mainit pa ang mga tao sa'yo doon. Kung hindi lang dahil kakilala ng Kuya Iking mo 'yung ninakawan mo, malamang diretso presinto bagsak mo," banta ni Mama Linda na sige sa pagpaypay. Halos hindi na ito magkasya sa inuupang monobloc chair dala ng sobrang katabaan. Nagtataka tuloy si Minggay kung bakit ganoon ang tinuturing niyang ina gayong wala na nga sila halos makain. Baka siguro may tinatago itong mga ulam sa kabinet at pinapapak niya lahat iyon mag-isa kapag tulog na sila.

"Hindi, Ma. Hahanap ako ng ibang puwesto. Lilipat ako ng palengke. Doon ako sa Villadolid," pagsisiguro ni Minggay.

"Aba't sguraduhin mo lang anak na ayos ka doon. Wala akong pampiyansa sa'yo kapag nahuli ka." Tumayo si Mama Linda at iika-ika itong lumabas para magpalamig sandali mula sa mala-oven nilang bahay.

+-+-+-+-+-+-+-+-

Bandang alas nuwebe, nang makabalik na si Mama Linda sa loob at tulog na ang lahat, tahimik na lumabas si Minggay. Pupunta siya sa paborito niyang lugar -- ang bakanteng bahay ng mga Vera-Real limang bloke ang layo mula sa kanila. Matagal nang walang nakatira doon dahil lumipat na ang mga Vera-Real pa-UK sampung taon na ang nakalilipas para doon na manirahan. Hindi alam ni Minggay kung bakit wala itong bagong may-ari o kung bakit hindi na lang ito pinaupahan. Marami tuloy sa mga kapitbahay nila ang takot magawi dito sa pag-aakalang isa na itong haunted house.

Pero 'di si Minggay.

Sa tuwing nalulungkot siya at walang kausap, pinupuntahan niya agad ang mayabong na puno ng Banaba sa likod ng bahay at kinakausap niya ito na parang tao. Nagsusumbong siya rito ng mga bagay na hindi niya masabi kahit kanino lalong lalo na kapag siya ay may problema.

"Tangkad, pa-advice naman, oh. Kung doon ako sa Villadolid ako pupuwesto bukas, sa tingin mo ba mahuhuli ako ng pulis doon? Eh wanted na kasi ako sa palengke natin dito. Mahirap na." Nakaupo si Minggay sa kapirasong sementong sahig sa paanan ng puno na hindi natibag noong nagdaang mga lindol. "Tangkad" ang ipinangalan ni Minggay sa puno dahil sa taas nito na tanaw mula sa bintana ng bahay nila at sa malalaki nitong sanga.

"Wala na kasi kami halos makain. Humina na rin 'yung benta ng alam mo na..." hindi mabanggit ni Minggay ang salitang "shabu" sa takot na may makarinig sa kanya.

"Tapos, 'yung kita sa limos ng mga kapatid ko, hindi rin sapat. Dati naman hindi ganito kahirap ang buhay," reklamo ni Minggay sa puno. Hindi ito sumagot. Takot lang niya kapag nagsalita ito. Sa halip, sumayaw lang ang mga dahon nito noong umihip ang hangin.

Ang totoo, hindi talaga kaano-ano ni Minggay ang kahit na sino sa pamilya niya ngayon. Hindi niya tunay na ina si Mama Linda at hindi rin niya tunay na kapatid sina Edgar, Erika, Beng, Lito at Caloy. Lahat sila ampon lamang ni Mama Linda mula sa iba't ibang mga nanay. Si Minggay ang panganay, hindi lang dahil sa siya ang pinakamatanda sa kanila, kundi dahil siya rin ang kauna-unahang inampon ni Mama Linda sa kanilang "magkakapatid". Nalunod ang totoong mga magulang ni Minggay noong tumaob ang lantsang sinasakyan nila papauntang Batangas noong siya ay isang taong gulang pa lamang.

"Ano sa tingin mo, Tangkad? Samahan ko na lang kaya sila Caloy sa pamamalimos sa plaza. Kaya lang ang tanda ko na kasi, 14 years old na ako. Mukha akong malakas at puwede nang magtrabaho. Wala rin akong kapansanan katulad ni Edgar kaya baka imbes na maawa, baka magalit pa ang mga tao sa akin." Napabuntong-hininga si Minggay dahil ang pamamalimos lang noon at pagnanakaw ang alam niyang trabaho dahil iyon lang itinuro sa kanila ni Mama Linda. Ni hindi man lang siya nakapagtapos ng elementarya. Nitong huli, tinuruan na rin siya ni Mama Linda magtulak ng droga.

"Nakakapagod maging mahirap. Gusto ko rin maranasang yumaman kahit isang beses lang."

Umihip muli ang hangin at umugong ang kiskisan ng mga dahon sa puno ng Banaba. Kasabay noon, isa-isa nang nagsipag-awitan ang mga kuliglig sa paligid nito. Senyales na lumalalim na ang gabi at kailangan na niyang umuwi.

Gumaan ang pakiramdam ni Minggay. Naibuhos na niya sa halaman ang bigat ng loob na pinapasan. Wala sa hinagap niya na simula pa lang iyon ng mas matitindi pang pagsubok na darating.

Continue Reading

You'll also like

Chapters
Read Now
Download Book